Monday, October 18, 2010

Alamin ang Eviction At Demolisyon



1. Ano ang ebiksyon?Ang ebiksyon ay ang pag-alis sa isang tao at sa kanyang mga pagmamay-ari mula sa isang gusali/istraktura o lugar o pareho, nang sangayon sa batas (Section 3(g) ng Implementing Guidelines ng Executive Order Blg. 152, Taong 2002)
pic6
2. Ano ang demolisyon?
Ang demolisyon ay ang pagtitibag ng lokal na pamahalaan, o ng sinumang awtorisadong ahensiya ng gobyerno ng mga istraktura sa lugar na sakop ng clearing. (Section 3(f) ng Implementing Guidelines ng Executive Order Blg. 152, Taong 2002)

3. Ano ang polisiya ng gobyerno hinggil sa ebiksyon at demolisyon?

Ayon sa ating Saligang Batas (Section 10, Article XIII), hindi patatalsikin ang mga naninirahan at hindi titibagin ang mga gusaling bahay ng mga maralitang tagalungsod at mga maralita sa kanayunan, maliban na lamang kung ito ay alinsunod sa batas at sa isang makatarungan at makataong pamamaraan.

4. Anong batas ang sumasaklaw sa ebiksyon at demolisyon?
Ang Batas sa Pagpapaunlad ng Kalunsuran at Pabahay (Urban Development & Housing Act/UDHA) o Batas Republika bilang 7279, higit sa lahat ang Section 28, ang nagtatakda ng mga tuntunin sa ebiksyon at demolisyon. Dagdag rito, mayroong iba’t ibang Executive Orders (hal. EO 152, taong 2002) at kanilang mga kalakip na mga Implementing Guidelines, Rules o Regulations at mga Circular (hal. OCA Circular bilang 72-2003) na inilathala ng pamahalaan upang lubos na maabot ang mga mithiin ng UDHA.

5. May bisa ba ang EO 152 at ang IRR nito alinsunod sa UDHA, LGC at prinsipyo ng debolusyon?
Oo. Nagmumula ang bisa ng nasabing pahayag sa kapangyarihan ng Pangulo na pangasiwaan ang lokal na gobyerno upang masiguro na ang mga batas ay nasusunod, ayon na rin sa doktrina ng “qualified political agency”.
Sa ilalim ng EO 152, ang Lupon ng Pangulo para sa Maralitang Tagalungsod (Presidential Commission for the Urban Poor/PCUP) ang magsisilbing “sole clearing house” o natatanging ahensiya ng gobyernong na magpapatakbo ng demolisyon at ebiksyon. Sapagkat ang lokal na gobyerno ang pangunahing tagapagpaganap ng UDHA, nang itinalaga ng EO 152 ang PCUP bilang “sole clearing house”, lalong pinagtibay ang papel ng PCUP bilang nangangasiwa sa mga ebiksyon at demolisyon.

6. Ano ang tuntunin ng UDHA ukol sa ebiksyon at demolisyon?
Ayon sa Section 28 ng UDHA, ang pagpapatalsik ng mga naninirahan at pagtitibag sa mga gusaling bahay, hanggat sa maaari, ay iiwasan.

7. Mayroon bang mga exception dito?
Mayroon. May mga pagkakatataon na pinahihintulutan ang ebiksyon at demolisyon ng batas:
a. Kapag naninirahan sa mga mapanganib na lugar tulad ng mga estero, sa tabi ngpic3 riles, mga tambakan ng basura, tabing-ilog, baybayin (Section 28, UDHA)
b. Kapag ito ay gagwin sa mga pampublikong lugar tulad ng bangketa, kalsada, liwasan at palaruan (Section 28, UDHA)
c. Kapag may itatayong proyektong pampubliko na may sapat na pondo at agad na sisimulan (Section 28, UDHA)
d. Kapag may hatol na ang korte (Section 28, UDHA)
e. Mga bago at ilegal na istrakturang itinayo pagkatapos ng ika-28 ng Marso, 1992 (Section 30, UDHA)
f. Mga istrakturang pagmamay-ari ng mga propesyunal na iskwater o mga kasapi ng sindkato ng mga propesyunal na iskwater (Section 27, UDHA)

8. Ano ang mga uri ng ebiksyon at demolisyon?
Sa ilalim ng Implementing Guidelines ng EO 152, taong 2002, ang mga sumusunod ang mga uri ng ebiksyon at demolisyon:
a. Mayroong kautusan ng korte (judicial/court-ordered)
- sa pamamagitan ng kautusan na ipinalalabas ng isang korteng may sakop sa lugar
b. Walang kautusan ng korte (extra-judicial)
- hindi kinakailangan ang utos ng korte at patungkol sa mga kapus-palad at walang tirahang mamamayan at sa kanilang mga tinutuluyan sa : 
1. mga mapanganib na lugar
2. mga pampublikong lugar
3. sa lugar na may itatayong proyektong pampubliko na may sapat na pondo at agad na sisimulan (Section 3(a))
c. Summary - ang kagyat na pagtanggal at pagtitibag ng lokal na gobyerno o awtorizadong ahensiya ng mga istraktura ng:
1. propesyunal na iskwater
2. kasapi ng sindkato ng mga propesyunal na iskwater
3. bago at ilegal na itinayo pagkatapos ng ika-28 ng Marso, 1992 (Section 3(p))
d. Pagkukusang loob (voluntary) - Nagkukusang loob na lumulikas o pumapayag na tibagin ang istraktura

9. Ano ang mga kailangan upang maging legal ang ebiksyon o demolisyon?


Nakasaad sa Section 28 ng UDHA ang mga patakaran na kailangan sa ebiksyon o demolisyon. Kinakailangang sundin ang lahat ng mga patakaran upang magkaroon ng bisa ang ebiksyon o demolisyon:
1. Abiso sa mga apektadong residente 30 araw bago ang takdang petsa ng ebiksyon/demolisyon;
2. Sapat na consultasyon o pagsasangguni ukol sa paglipat ng mga apektadong residente kasama ang mga kinatawan ng pamilyang malilipat at ng mga komunidad na kanilang lilipatan;
3. Sapat na lugar na mapaglilipatan, pansamantala man o permanente
4. Dapat na naroroon sa takdang oras ng ebiksyon/demolisyon ang mga lokal na pinuno o ang kanilang mga kinatawan
5. Sapat na pampakilala sa lahat ng mga lalahok sa ebiksyon/demolisyon;
6. Pagsasagawa ng ebiksyon/demolisyon sa loob ng oras pang-opisina, mula Lunes hanggang Biyernes, at kapag maganda ang panahon, maliban na lamang kung papayag ang mga residente;
7. Hindi gagamit ng heavy equipment para sa demolisyon maliban na lamang kung
ang titibagin ay permanente at yari sa konkreto;
8. Naka-uniporme ang mga pulis na kasangkot;

10. Mayroon bang pagkakataong hindi na kinakailangan ang mga nakasaad?
Oo. Sa mga pagkakataong ang titibagin ay mga istraktura ng propesyunal na iskwater, maaring magkaroon ng summary o kagyat na demolisyon.

11. Sino ang kinikilala bilang “mga kapus-palad at walang tirahang mamamayan?”
Ang mga kapus-palad at walang tirahang mamamayan ay yaong mga itinalagang makinabang sa UDHA at sa mga indibidwal o pamilya na naninirahan sa mga lungsod o malalungsod na lugar: 
1. na may kita na pumapaloob sa poverty threshold na tinakda ng National Economic and Development Authority, at
2. hindi nagmamay-ari ng kanilang sariling tirahan at walang security of tenure.

12. Sino ang mga “professional squatter”?
Ang mga propesyunal na iskwater ay ang mga tao o grupo ng tao na:
1. Nananalagi sa lupain na walang pahintulot sa may-ari at mayroong sapat na pangkabuhayan para makakuha ng legal na pamamahay.
2. Maaari ring nabigyan na ng pabahay ng gobyerno ngunit ibinenta, pinaupahan, o ipinamahagi sa iba para sila ay makalipat sa ibang lugar.
3. Maaaring mga taong walang karapatang mamalagi sa mga lugar na nakalaan para sa proyektong pabahay ng pamahalaan

13. Ano ang “squatter syndicate"?

Ang mga sindikato ng mga iskwater mga grupo ng tao na ginagawang negosyo ang pabahay sa iskwater upang makakuha ng kita o tubo.

14. Sakop ba ng UDHA ang mga demolisyong ipinataw ng husgado?
Oo. Tuwirang tinutukoy ang Section 28 ng UDHA ang mga demolisyon na ipinataw ng husgado bilang isa sa mga pagkakataong liban sa polisiya na “walang demolisyon at ebiksyon”.

Higit pa dito, dahil sa ang lahat ng ebiksyon ng mga kapus-palad at walang tirahang mamamayan at ang demolisyon ng kanilang mga tirahan ayon sa ibang batas ay saklaw ng Section 28, ang pagpapatupad ng hatol ng husgado matapos ang mga kaso ng forcible entry, unlawful detainer, accion publiciana at accion reinvindicatoria ay dapat na sumangayon sa UDHA, lalo na kung mayroong maapektuhan ang mga maralitang tagalungsod.

15. Ano ang ninanais na daloy ng isang ebiklsyon o demolisyon na ipinataw ng husgado?
Ang ebiksyon o demolisyon na gagawin sa bisa ng utos ng husgado ay kinakailangang tupdin ang mga sumusunod:

Una, matapos na maibaba at maging pinal ang hatol ng korte, magpapadala ito ng mga abiso sa:
a. lokal na gobyerno (LGU) at/o ang National Housing Authority. Mayroong 45 na araw ang mga nasabing ahensiya upang maghanap ng sapat na malilipatan ang mga apektado ng ebiksyon o demolisyon, at kung walang mapaglilipatan, maghanda ng tulong pinansyal.
b. Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) 5 araw bago ang ebiksyon o demolisyon.

Pangalawa, matapos na matanggap ang mga abiso, at sa loob ng nasabing 45 na araw, kinakailangan ng LGU/NHA na:
a. magbigay ng abiso sa mga apektadong residente 30 araw bago ang takdang ebiksyon o demolisyon
b. magsagawa ng konsultasyon kasama ang mga residente, at
c. maghanda ng sapat na lugar na malilipatan o ng tulong pinansyal.

Pangatlo, kapag mayroon nang lugar na mapaglilipatan o mayroon nang pondo para sa tulong pinansyal matapos ang 45 na araw, maglalabas ang korte ng isang writ of execution o kautusan upang isagawa ang demolisyon. Nakasaad sa nasabing kautusan na dapat sundin ng sheriff o tagapagpatupad ang mga patakarang nasasaad sa Section 28 ng UDHA para sa makatarungan at makatao paraan ng ebiksyon at demolisyon.

16. Ano ang mga kapangyarihan at katungkulan ng PCUP?

Sa ilalim ng EO 152, ang PCUP ay nagtataglay nang mga sumusunod na kapangyarihan at katungkulan: 
a. bantayan ang lahat ng ebiskyon at demolisyon, mayroon man itong kautusan ng korte o wala;
b. bago pa man ang aktwal ng demolisyon at ebiksyon, utusan ang mga kasangkot na ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang lokal ng gobyerno, na kumuha mula sa PCUP ng mga talaan ng gawain, guidelines o mga patakaran, at compliance certificates;
c. pagkatapos ng ebiksyon at demolisyon, ipapasa ng mga kasangkot na ahensiya sa PCUP ang mga talaan ng gawain, na sinumpaan ng nagpasa at sinasabing: 
1. nagkaroon ng sapat na konsultasyon kasama ang mga pamilyang apektado,
2. mayroong sapat at angkop na lugar na mapaglilipatan ang mga apektadong pamilya
3. natupad lahat ng mga patakaran sa ilalim ng IRR ng UDHA.
d. maglathala ng compliance certificates batay sa mga talaan ng gawain ipinasa ng mga ahensiya
e. magsiyasat, ayon sa sariling pagpapasiya o batay sa isang reklamong inihain ng sinuman, tungkol sa mga paglabag sa Section 28 ng UDHA
f. magsampa ng kasong kriminal, sibil o administratibo sa mga tao o taong matatagpuang lumabag sa Section 28 ng UDHA.
g. ipayo sa Pangulo ang anumang mga nararapat na hakbang sa pagpapatupad ng Section 28 ng UDHA at sa IRR nito;
h. humingi ng tulong at impormasyon sa ibang ahensiya ng gobyerno na makakatulong sa gawain ng PCUP;
i. ipaabot sa kaalaman ng karamihan ang tungkol sa mga pagsisiyasat ng mga paglabag sa Section 28;
j. magbigay ng panunumpa, maglabas ng mga subpoena at subpoena duces tecum, at mangalap ng mga testigo sa daloy ng pagsisiyasat
k. magpanukala at magpatupad ng sarili nitong mga panuntunin sa pagsisiyat. 

17. Ano ang certificate of compliance?

Ang certificate of compliance ay binibigay ng PCUP upang ipakita na natupad na ng ahensiyang kasangkot ang lahat ng mga patakaran tungkol sa ebiksyon at demolisyon.

18. Sakop ba ng EO 152 at ng IRR nito ang mga lokal na gobyerno at ibang ahensiya?
Oo. Nagmumula ang bisa ng EO 152 sa kapangyarihan ng Pangulo na pangasiwaan ang lokal na gobyerno upang masiguro na ang mga batas ay nasusunod. Samakatuwid, bagamat may mga LGU na mayroong sariling “clearing houses”, kinakailangan pa rin dumaan sa PCUP ang lahat ng ebiksyon at demolisyon upang masiguro na nasusunod ang lahat ng itinakda ng Section 28 ng UDHA, at pare-pareho ang pagpataw ng mga patakarang ito sa lahat ng magsasagawa ng ebiksyon at demolisyon. Ito ay pinapatupad sa pamamagitan ng pangangailangan sa compliance certificate.

19. Kinakailangan ba ng compliance certificates sa ilalim ng EO 152 kapag magpapatupad ng summary evictions o demolitions?

Oo. Kinakailangan ng compliance certificate kung magsasagawa ng summary eviction upang mapangalagaan ang mga karapatan ng mga naninirahan sa mga bago at ilegal na istrakturang itinayo pagkatapos ng ika-28 ng Marso, 1992 na maaring sakop ng UDHA kung sila ay kapus-palad at walang tirahang mamamayan. Dagdag pa dito, masasabing napapailalim pa rin sa tungkulin ng PCUP na bantayan ang lahat ng mga ebiksyon at demolisyon ang mga kaso ng summary evictions.

20. Kinakailangan ba ng compliance certificates sa ilalim ng EO 152 kapag magpapatupad ng ebiksyon at demolisyon na mayroong kautusan o hatol mula sa korte?

Hindi. Nasasaad sa EO 152 at sa IRR nito na hindi na kinakailangan ng compliance certificate sa mga pagkakataong mayroon ng hatol ang husgado. Ngunit tungkulin pa rin ng PCUP na bantayan ang aktwal na pagsasagawa ng ebiksyon at demolisyon.

21. Ano ang nakatakdang papel ng lokal na gobyerno sa mga ebiksyon at demolisyon?
Ang lokal na gobyerno at ang NHA, sa tulong ng ibang ahensiya ng pamahalaan ay nakatakdang:
a. maghanap at magpalipat sa mga apektadong residente sa mga angkop na lugar sa loob ng 45 na araw mula sa maibaba at maging pinal ang hatol ng korte;
b. magbigay ng tulong pinansyal, kung sakaling hindi maisasagawa ang paglipat, sa halagang katumbas sa 60 araw na umiiral na pinakamababang sahod (minimum daily wage multiplied by 60 days) 


22. Maari bang ipagpaliban ng LGU o NHA ang kanilang tungkulin na magbigay ng sapat na relokasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga apektadong pamilya?


Hindi. Ang pagbibigay ng sapat na relokasyon ay dapat gawin dahil ito ay nasasaad sa Konstitusyon. Ang pagpapaliban sa pagibigay ng relokasyon, sa mga sitwasyong may naibigay nang tulong na pinansyal sa mga pamilyang apektado dahil ang relokasyon ay hindi na posible dahil nakalipas na ang 45 na araw, ay pansamantala lamang. Ang pagtanggap ng tulong na pinansyal ay hindi nangangahulugan na tinatalikuran na ng mga apektadong pamilya ang kanilang karapatan na humingi at mabigyan ng pamamahay.

23. Maari bang gawing ng mga LGU’s ang agarang o summary demolisyon ng mga istraktura at pagpapaalis sa mga nagmamay-ari ng mga istraktura sa mga pribadong lupain sa ilalalim ng UDHA?


Hindi. Ang kapangyarihan ng mga LGU para magsagawa ng demolisyon na summary o agaran na pagtatanggal ng mga istraktura ay sa mga pampublikong lugar at mapapanganib na lugar na nasasaad sa batas. Ang kapangyarihan na ito ay hindi sumasakop sa mga pribadong pag-aari. Ang ebiksyon at demolisyon sa pribadong pag-aari ay dapat iasagwa sa pamamagitan ng kautusan mula sa korte.

24. Maari ba itong gawin ng mga LGU sa ilalim ng ibang batas?

Hindi. Bagamat sa ilalim ng Civlil Code sa mga probisyon sa Nuisance, sa Building Code (PD 1096), sa ilalim ng Local Government Code (Sections 444 at 455, RA 7160) at iba pang mga batas at direktiba tungkol sa demolisyon (LOI 19, PD 292, atbp) ay napapatungkol sa demolisyong ng ibang mga ilegal na istraktura,. Ang mga batas na ito ay napalitan o nabago na ng Seksyon 28 ng UDHA, isang batas na mas nakatuon sa mga demolisyon ng mga istarktura ng mga mga kapus-palad at walang tirahang mamamayan

25. Maari bang isagawa ng mga LGU o iba pang mga bahagi ng pamahalaan ang summary na demolisyon sa mga baguhan na naninirahan (pagkatapos ng 1992) sa mga pampublikong lupain o lugar na nanirahan sa mga lugar na iyon pagkatapos mapaalis sa pamamagitan ng kautusan ng korte mula sa pribadong lupain ngunit maaring magkaroon ng benepisyo sa ilalim ng UDHA bago sa kanilang ebiksyon?


Hindi. Ang kapangyarihan para magsagawa ng demolisyon ay hindi sumaklaw sa mga may benepisyo mula sa UDHA na napaalis mula sa mga pribadong lupain. Habang ang mga LGU o o iba pang mga bahagi ng pamahalaan ay maaaring magsagawa ng demolisyon sa mga baguhan na naninirahan sa mga pampublikong lugar pagkatapos ng pagpapairal ng UDHA sa ilalim ng seksyon 30, hindi nila maaring gamitin ang kapangyarihang ito kung ang mga tao na paalisin o gigibain ang bahay ay mga baguhan na naninirahan (pagkatapos ng 1992) sa mga pampublikong lugar na nanirahan doon pagkatapos mapaalis mula sa pribadong lupain sa pamamagitan ng kautusan ng korte pero sila ay mga maaring makatanggap ng benepisyo sa ilalim ng UDHA at naroon na sila sa lupa bago pa nung Marso 28, 1992.

26. Kailan pinapayagan na magbigay nang tulong ang pulisya kapag may ebiksyon o demoliyon?

Ang mga nasasangkop na departamento at ahensya ng gobyerno, ang mga LGUs o iba pang nagsasagawa ng ebiksyon at demolisyon ay bibigyan lamang ng tulong ng pulisya kapag nagampanan nila ang mga nakasaad na patakaran sa ilalim ng UDHA at ang mga implementing rules nito, pati na ang checklist and compliance certificate requirements sa ilalim ng E.O. 152.

Ang tulong ng pulisya ay pahihintulutan lamang sa mga sumusunod na sitwasyon:
a. Sa pagsunod sa kautusan ng korte na nagsasaad ng pagbibigay ng tulong o pag aksyon ng pulisya
b. Sa anumang sitwasyon o pangyayari na mayroong kusang ebiksyon o pagbaklas ng mga istraktur na napagkasunduan sa iasang kasulatan sa pagitan ng mga partido na nasasangkop at ito ay inaprubahan ng PCUP
c. Sa mga sitwasyon ng local na proyektong pang imprastraktura na inaprubahan ng PCUP
d. Sa mga sitwasyon ng pambansang proyektong pang imprastraktura na inaprubahan ng PCUP
e. Sa iba pang sitwasyon ng ebiksyon at demolisyon na kung saan ang tulong ng pulisya ay kinakailangan upang mapanatili ang kapayapaan ay kayusan, basta ito ay inaprubahan ng PCUP


27. Kailingan bang isaad sa kautusan na ibibigay ng korte na magbibigay ng tulong ang pulisya?

Hindi. Ang kahilingan na nakasulat ng sheriff para sa tulong ng pulisya sa pagsasatupad ng kautusan ng korte ay sapat na. Ang mga pulis na nabigyan ng pahintulot ay magbibigay ng pasabi sa PCUP sa isang kasulatan na nagsasaad na nabigyan na sila ng pahintulot na magbigay ng tulong at ang petsa ng ebiksyon at demolisyon sa hindi kukulanin ng 3 araw bago ang pagsasagawa nito.

28. Ano ang hangganan ng tulong na ibibigay ng pulisya sa isang ebiksyon at demolisyon?

Ang tulong na ibibigay ng pulisya ay limitado sa pagpapairal ng batas at pagpapanatili ng kapayapaan at, sa kahit anumang sitwasyon, hindi sa pagsama at pagsagawa ng ebiksyon at demolisyon. Ang mga miyembro ng PNP na naatasang magbigay ng tulong ay dapat nakasuot ng tamang uniporme at, sa mga nararapat na sitwasyon, magdadala ng mga kinakailangan na dokumento na nagsusuprta sa kanilang pagaksyon at pagtulong.

29. Ano ang maaaring gawin ng mga pamilya ng maralitang taga-lungsod na sumailalim sa demolisyon sa mga kasong ang taong humingi nito ay hindi nakasunod sa mga nakasaad sa batas na dapat gawin bago magkaroon ng demolisyon?


Mayroong ilang remedyo na maaring gawin:
• Kapag ang demolisyon ay isasagawa pa lamang, ang mga pamilyang apektado ay maaring humingi ng Injunction o Prohibition mula sa mga korte
• Kapag ang demolisyon ay nasagwa na, pwde silang magsampa ng kaso para sa damages, na kung saan pwede silang humingi ng actual, moral at exemplary damages
• Pwede rin silang magsampa ng kasong criminal sa mga taong nagsagawa ng demolisyon na hindi naaayon sa batas sa ilalim ng Sksyon 45 ng UDHA

30. Ano ang mga maaaring maging pananagutan ng mga tao o taong lalabag sa mga batas tungkol sa ebiksyon at demolisyon? 

Sa ilalim ng section 45 ng UDHA ay nakasaad na ang sinumang tao na lalabag sa mga anumang probisyon ng UDHA ay papatawan ng parusang pagkakakulong ng hindi hihigit sa anim (6) na taon o multa na hindi bababa sa limang libong piso (5000) ngunit hindi hihigit sa sampung libong piso (10000) o kaya ay pareho itong ipapataw.

Kasama rito, sa ilalim ng section 7 ng EO 152, ang sinumang opisyal ng PCUP na magbibigay ng endorsement ng deomlisyon o ebiksyon nang walang kumpletong checklist, o kung ang checklist ay ibinigay ngunit ito ay hindi na-certipikahan, o kaya ay sinumang opisyal o miyembro ng PNP na makikibahagi o magbibigay ng tulong sa ebiksyon o demolisyon ng walang pahintulot ng PCUP, sila ay mapapatawan ng nararapat na parusa, na hindi pumipigil sa iba pang kasong criminal o civil na maaring isampa laban sa kanila. 

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | GreenGeeks Review